Martes, Marso 25, 2008

lia: Ang Pagbabagong Anyo ng Mukha sa Piso

Noong bata pa ako, nagtataka ako kung bakit kailangang may nakatatatak na mukha sa piso o barya. Noong medyo nagkaisip, nagtataka ako kung bakit si Jose Rizal ang nakatatak sa piso, eh pwede namang bangus o kaya agila tulad ng sa singko sentimos. Noong nalaman kong si Pepe pala ang pambansang bayani, nagtanong ako, eh bakit sa Piso, at hindi sa isang-libo? At bakit siya naka-side view? At bakit meron pang konytobersya kung sino nga ba dapat ang pambansang bayani, si Jose o si Andres?

Anong bang meron sa mga bayani at kay Ka Pepe kung bakit nakatatak ang mga mukha nila sa pera? Sila raw kasi ang mga bayani ng sambayanan, ibinuwis ang buhay para sa kalayaan ng bayan at ng lipunang Pilipino mula sa mga mananakop na dayuhan. Natanong ko tuloy, ano bang nagawa ni Diosdado Macapagal at nasa dalawang daan siya? Eto pa, karamihan sa kanila nasa kabilang buhay na, eh bakit nandun sa likod ng dalawang-daan si Manang Gloria?

Bago ko pa man makuha ang kursong PI 100, kapareho ko lang ng pag-iisp ang mga estudyante sa elementarya. Si Rizal, ay isang bayaning taga-Calamba na umibig kay Josephine Bracken, pinatapon sa Dapitan at pinatay sa Bagumbayan. Noong nasa sekundaraya na naintindihan ko kung bakit siya naging bayani, sa mga panulat niyang El Fili at Noli. Noong nasa kolehiyo na ako at sa PI 100, doon ko natutunan ang iba’t ibang teorya ng liberalismo, assimilismo, separatismo, realismo at iba pang ismo. Isang babaerong intelektwal ang pambansang bayani ng Pilipinas. Ang kanyang mga panulat ang nagmulat at nagpalalim ng masidhing damdaming nasyunalismo at pagiging makabayan. Kaya nga siguro siya nasa piso. Ito na lang kasi ang baryang kayang hawakan ng bawat Pilipino. Isang pagpapaalala ng pagiging makabayan sa tuwing hahawakan at ipambabayad mo ang piso. Katumbas na lamang ang mukha ni Rizal sa isa o dalawang piraso ng kendi, kalahating sigarilyo, isang pirasong papel, kalahating blue book at isang piraso ng choknut. Naisip ko tuloy, may sumunod na kaya sa yapak ni Ka Pepe? Sino ang bagong Jose ng sambayang Pilipino?

Sa panahong kinapapalooban ko ngayon (mula 1987 hangang sa kasalukuyan), lalo kong naintindihan yung ginawa ng mukha sa piso. Hindi birong pag-aralan ang kasaysayan ng mga Pilipino mula sa mga dayuhan. Hindi rin birong buhayin ang damdaming nilumot at naibaon na ng panahon, kung baga sa ZTE-NBN scandal ngayon, hindi birong maging whistle blower, tulad ni Lozada. Pinipilit patayin at sugpuin ni Ibarra ang kanser na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Nawala nga ba ang kanser matapos niyang mamatay? O ang kanser na kanyang tinutukoy ang pumatay din sa kanya? Hanggang ngayon, ang kanser na yun ay patuloy pa ring nananalasa sa ating lipunan, at ang sambayanan ay naghahanap na rin ng bagong Jose o Andres. Kung nabubuhay pa kaya ngayon si Ka Pepe matutuwa siya? O hilingin na lang din na patayin siya?

Nariyan ang kurapsyon, katiwalian, mga politikal na pagpatay, pagdami ng naghihirap at pagpapadikta sa bansang dayuhan. May nagbago nga ba pagkatapos mamatay ni Ka Pepe o bumaba na rin ang damdaming makabayan tulad ng pagbaba ng halaga ng piso?

Magtatapos na ako sa kolehiyo mula sa isang premier state university na UP. Sabi ni Pepe, ako at kami raw ang pag-asa ng bayan. Ngayon naiintindihan ko na. Nagbago na ang anyo ng mukha sa piso mula sa pagtingin ko. Baka isang araw magulat na lang tayo, yung mukha sa piso naka-front view na at nagsasabing: Nariyan ang sambayanan, naghihintay na paglingkuran.

1 komento:

jane ayon kay ...

gusto ko 'yung sinabi mo na nagtataka ka kung bakit si rizal 'yung nasa piso..eh pwede nga namang agila o anahaw or mangga or watever..".)