Martes, Marso 25, 2008

freda on jp rizal:

Una kong nakikilala ko si Jose Rizal bilang ang pambansang bayani ng ating bansa. Ang pagpapakilalang ito ang siyang natutunan ko noong nasa elementarya pa ako. Noong nasa high school na ako, pinag-aralan naming ang dalawang nobela ni Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Natutunan naming ang kanyang nobela ang dahilan upang bansagan siyang rebelde. Ang mga nobela niya rin ang naging inspirasyon ni Andres Bonifacio sa pagsasagawa ng rebolusyon. Maituturing siyang martyr sa pagtanggap ng kanyang kamatayan noong ika-31 ng Disyembre, 1896.

Sa pag-aaral ko sa buhay, adhikain, at mga gawain ni Rizal sa PI 100, marami mga bagay ang nabuksan sa aking isipan. Una kong natutunan ang ibang bahagi sa buhay ni Rizal-ito ang pagiging ordinaryong tao niya tulad sa atin. Nakita ang larawan niya sa pagkakatanggal ng mapapuring damit sa kanya. Bilang estudyante, si Rizal ay matipid dahil sa nadedelay ang kanyang allowance. Dito ko napuna ang pagplaplano ni Rizal sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Katulad sa natutunan sa klase, kalkulado ni Jose Rizal ang mga ikinikilos niya. Halos lahat ng kanyang ginagawa ay planado hanggang sa kanyang kamatayan. Nakakatuwa ring malaman na natanto na ni Rizal ang kanyang kamatayan sa pamamagitan ng panaginib waring nagsasabing ito ang kanyang kapalaran. Katulad ng isang ordinaryong tao, narasan rin ni Rizal mabigo sa pag-ibig. Hindi natuloy sa magandang pagsasama ang pag-iibigan nila ni Leonor Rivera (parang teledrama no!). Marami pang ibang babae ang naassociate sa kanya. Isa sa malaking isyu ay ang pagsasama nila ni Josephine Bracken (mashowbizdin no!). Sa kanyang pamilya, makikita ang kanyang pagmamalasakit. Tinupad niya ang usapan nila ng kanyang kuya na si Paciano. Ginamot niya rin ang kanyang ina at humingi siya ng pasensiya bago namatay. Nagkaroon din siya ng matalik na kaibigan katulad ni Ferdinand Blumentritt. Hindi din naman sila nagkasundo ni Marcelo H. del Pilar at nagkaroon ng alitan sa pagitan niya at ni Antonio Luna dahil sa babae. Ang mga puntong ito ang lalong nagpapakilala sa akin kay Rizal sa ibang perspektibo. Nakilala ko siya na wala ang suot niyang overcoat.

Ilang mga isyu ring natutunan sa klase ang nagtulak sa akin na mag-isip. Bakla nga ba si Rizal? Itong tanong na ito ay nagpataas ng kilay ko ngunit kung aking titignan, may kabuluhan nga naman. Para sa akin, hindi masasabing bakla si Rizal dahil lamang sa closeness nila ni Blumentritt at ang hindi pagkakaroon ng anak. Gusto kong iadapt ang mga punto ni Neil Garcia. Ang salitang bakla ay hindi naman nag-eexist noong panahon iyon. Ang malapit sa salitang bakla ay kabaklaan na nangangahulugang undecided o hindi pagbigay ng konkretong desisyon o palitpalit ng desisyon, at binabae na ginagamit sa pagtukoy sa mga lalaking ang gawain ay gawaing babae tulad ng paghahabi. Ang pagkakaroon ng close sa relationship sa kauri ng kasarian ay hindi isang premise para tawagin kang bakla. Sa akin, wala naman sa pagkatao ng isang tao ang kanyang kadakilaan o pagkabayani. Lahat naman ng tao ay pwedeng gumawa ng maganda. Hindi dapat kinakahon ang magagawa ng isang tao ayon sa kanyang pagkatao-straight man o hindi.

Isang pang isyu ay ang retraksiyon kono ni Rizal. Kung ako ang tatanungin, naniniwala akong hindi nagretract si Rizal. Ang pagretract ni Rizal ay nangangahulugang binabawi niya ang kanyang mga ginawa pati na rin ang kanyang adhikain. Makikita sa huling tula ni Rizal na pinanghahawakan pa rin niya ang kanyang pinaglalaban na kalayaan at pag-ibig sa bayan. Alamdin naman ni Rizal na sa huli ay mamamatay siya.

Tignan ang mga tula ni Rizal sa http://pages.prodigy.net/manila_girl/rizal/rizala.htm

Tungkol sa retraksyon sumangguni sa http://www.joserizal.ph/rt03.html,

http://www.freewebs.com/retraction/issues.htm,

Tungkol sa pag-ayaw ni Rizal sa rebolusyon, masasabi kong maypunto siya. Ang pagkilos patungo sa kalayaan ng isang bansa ay dapat samahan ng pagmamahal sa bayan (pagiging nasyonalista). Sa tingin ni Rizal, ang bagay na ito ay kailangang gisingin sa mga Pilipino. Ito rin ang nakita kong problema ngayon dahil nawawala na ang pagpapahalga natin sa ating kultura. Higit nating binibigyan ng paghanga ang mga produkto, ideya at anumang galing ng ibang bansa.

Isa sa magandang natutunan ko ay:

Si pagiging bayani ni Jose Rizal ay produkto ng mga taong nakapaligid sa kanya o ang lipunang ginagalawan niya.

Malaking bahagi ang ginampanan ni Paciano sa pagmumulat sa kanyang kapatid na si Jose. Liban dito, ang naobserbahan ni Jose Rizal sa Europa ay nakaimpluwensiya sa kanya katulad ng umiiral noong liberalismo at freedom of speech. Ang mga nasaksihan niya sa Pilipinas partikular na ang pangyayari sa Calamba (ang pagpapalayas sa mga taga-Calamba kasama ng kanyang pamilya) ang lalo nagbigay daan sa pagiging radikal niya. Dito niya napagmuni-muni na ang problema ay nag-uugat mismo sa Espanya at hindi lamang sa mga prayle.

Sa kabuuan, isang magandang aral ang naiwan sa akin. Ang isang tao ay napapabilang sa isang lipunan. Sa lipunang ito gumagalaw ang buhay ng isang tao at mabubuo ang kwento ng kanyang buhay sa pamamagitan ng kanyang karanasan. Sa makatwid, unti-unti siyang binubuo ng lipunang kanyang ginagalawan ngunit ang taong ito ay may bahagi ring ginagampanan sa lipunan. Ang tao ang bumuo sa goberniyo at sa mga mamamayan sa lipunan. Kung ano mang gagawin ng mga taong ito ay nagrereflect sa kalagayan ng lipunan. Ipinakita ni Rizal ang pagmamahal niya sa bayan. Nakita niya ang nagyayari sa kanyang lipunan at siya ay kumilos. Ito ay aral sa akin na ang pagbibigay ng halaga sa lipunan ay daan sa pagbabago.


Walang komento: