Martes, Marso 25, 2008

jane on jprizal:

Noong bata ako, akala ko si Rizal ay isang ulo lamang na nabubuhay sa piso. Isang ulo na namamahay sa pisong madalas kong hinihingi sa Nanay ko. Ni hindi ko nga alam na Jose Rizal ang pangalan niya. Hindi pa naman ako noon marunong bumasa. Puro drawing lang ang kaya kong intindihin noon.

Nang pumasok ako sa paaralan, grade 1 palang naituro na ang iba-t-ibang bagay at tao na sumisimbolo sa bansang Pilipinas. Doon ko unang nalaman na Jose Rizal pala ang pangalan nung ulo sa piso. Siya pala ng binansagang National Hero.

Tuwing nagkakaroon ng quiz tungkol sa mga simbolo ng bansa, natutuwa ako kasi alam na alam ko kung anu-ano ‘yung mga ‘yun. Parati kong napeperfect. Hindi ko nakakalimutan lalo na ang pambansang bayani. Subalit nanatili hanggang doon lamang ang nalalaman ko sa kanya: ang bansag na National Hero. Sa murang edad ko, wala pa siguro akong sapat na kapasidad noon na siya ay maintindihan ng lubusan. Kaya siguro sapat nang ituro muna ang simpleng bansag na iyon sa kanya.

Sa pananatili ko sa elementarya, unti-unting nadagdagan ang alam ko tungkol kay Rizal. Unti-unti, nalaman ko ang ilan sa mga personal na impormasyon tungkol sa kanya; birthday, mga magulang, kapatid, saan nakatira, mga ganung bagay. Puro galing sa ‘di mabilang na talambuhay na naisulat tungkol sa kanya. Unti-unti, nagkaroon ng pigura ng katawan ang dating mukha lang na kilala ko.

Pagpasok ko ng high school, malinaw sa isip ko na hindi basta-basta ang ulo sa piso. Kung noong nasa elementarya ako ay hindi ko ‘yun pinag-iisipan, nang simulan naming mapag-aralan ang Noli at Fili sa klase, doon nabuo sa isip ko ang malaking papel na ginampanan ni Rizal kung kaya’t hinirang siyang national hero.

Makabayan si Rizal. Alam siguro ‘yun ng bawat Pilipino. Kung ako ang tatanungin, nakuha ko ‘yun mula sa pagbabasa ng mga gawa niya. Malalim na manunulat, magaling na makata. Sa puntong iyon, isang anyo ni Rizal ang nabunyag sa akin.

Akala ko doon na matatapos ang pagtuklas ko kay Rizal, mali pala ako. Ngayong katatapos lang ng isang semester sa Rizal class na kinuha ko, ang daming nagbago sa pananaw ko. Hindo ko masabi kung positibong pagbabago ba ang mga iyon. Pero tiyak kong malaki ang naibahagi ng klase sa akin tungkol kay Rizal.

Isa sa pinakanagustuhan kong kwento tungkol kay Rizal ay ang mga kwento at anekdota sa librong Rizal without the Overcoat ni Ambeth Ocampo. Gasgas na sigurong sabihin na mula sa librong iyon ay makikita ng pagiging katulad ni Rizal sa isang ordinaryong tao. Subalit sa kabuuan ay ganoon talaga ang naging impact ng libro sa akin. Kung dati ay parang ang hirap-hirap abutin ng katayuan ni Rizal bilang National Hero kung saan minsan ay umaabot pa sa pag-iisip ko na siya ay isang alamat lamang, sa libro ay nagmukha siyang totoong tao. Isang taong nagugutom, nasasaktan at umiibig.

Bagaman hindi kahanga-hanga ang katangian ni Rizal pagdating sa kanyang buhay pag-ibig, bumawi naman siya sa pagiging makata. Naisip ko lang, ang sarap sigurong maging kasintahan ni Rizal lalo na kung sa tula niya parating idadaan ang saloobin niya. Iyon nga lang, heartbreaker siya; hindi siya nagcocommit at lalong hindi siya nagpatali. Sa puntong ito, naniniwala ako na hindi nangyari ang retraksyon at hindi niya pinakasalan si Josephine Bracken. Kung totoo mang nangyari ang retraksyon, isa lang iyon sa mga inconsistencies ni Rizal. Hindi mabilang na inconsistencies na lalong nagbibigay komplikasyon sa masalimuot niyang buhay.

Kumplikado si Rizal. Iyon ang isa sa mga pinakatiyak na bagay na nalaman ko tungkol sa kanya sa kabuuan ng pag-aaral ko sa PI100 sa loob ng isang semestre. Ibat-ibang Rizal ang makikita at makikilala depende sa kung saang aspeto ng buhay niya siya titingnan; anak, kapatid, kaanak, kaibigan, doktor, manunulat o bilang isang Pilipino sa kabuuan. Mayroon siyang ibat-ibang anyo na nangangailangan ng mahabang panahaon upang maunawaan. Ngunit hindi man sapat ang isang semestre upang siya ay maintindihan ng lubusan, sapat na iyon upang maitama ang ilan sa mga mali at malabong pagkakakilala sa kanya.

Ngayon ko natatanto na lahat pala ng nalaman ko tungkol kay Rizal mula sa elementarya ay puro parte lamang ng isang anyo ng buhay niya; ang mababaw na parte, walang lalim, walang malabo, sa madaling-sabi, mabilis intindihan. Subalit kung tumatak sa isip ko ang pagiging dakila at bayani niya noong bata pa ako, hindi iyon nabago sa pag-aaral ko ng PI100. Nanatili ang pagiging bayani niya sa paningin ko. Ngayon ko masasabi na buo na ang pigura ng katawan nung ulong dati ay pugot na imahe lamang sa likod ng isang piso.

2 komento:

lia ayon kay ...

misteryoso nga si Rizal!!!

tama!!!kulang ang isang semestre para lubusan siyang maintindihan!!!

herroyalhighness ayon kay ...

Hi. I'm KC (http://omeganprinsis.multiply.com or http://www.friendster.com/tomlc07b). I'm looking for Miss Bituin Fontanilla of UPB. Kindly hit me up in fs or multi if you know how i could reach her. thanks.